Dalagang ina ako, e ano ngayon???
Sabi nila, ang mga tao na dumarating sa buhay natin ay may panahon – kung kelan darating at kung kelan aalis. Ang iba, di nama talaga umaalis, pero parang ganun na rin, nawawala sila at pakiramdam mo, nag iisa ka na lang.
Pinag iisipan ko kung dapat pa ba na mag paalam ako, o dapat palipasin ko na lang ang panahon na di sya kinakausap, hanggang sa masanay na ako. Hmm. Tutal, kapag nasa malayo ang isang kaibigan, madali na silang kalimutan, kung may mga kaibigan naman ako dito.
=====
Nakausap ko ang isang lalaki na matagal ko na rin naging kaibigan. Hindi sya Pilipino, at sa isang madibdibang diskusyon, kinwento nya sa akin na minsan, natatakot sya na baka raw gusto ko syang pakasalan para makarating ako sa kanyang bansa, tulad ng maraming Pilipina doon. Nagpaliwanag naman sya na alam nyang hindi ako ganun, pero dahil sa ako ay dalagang ina at ako’y bata pa, malaki ang probability na ganun na rin yun. Syempre uminit ang ulo ko, dahil umpisa pa lang, sinabi ko na sa kanya na nakikipag kaibigan lamang ako at kung anuman ang mangyari, ay di yun dahil sa interesado ako sa pag migrate. Hayy! Naloka ako. Naisip ko na sadyang ganun na ang imahe ng mga Pilipina, na kahit disenteng tao ka, at di ka naman interesado sa mga ganung benepisyo, eh pag-iisipan ka pa rin ng masama.
Sa inis ko, sinabi ko sa kanya na kung di lang sa pagiging makabayan ko, dapat matagal na akong naninirahan sa bansa nila bilang isang propesyonal. Hmp. Sya nga di pa nakatapos ng kolehiyo eh. Hmp! Pero ayun, nagpaliwanag sya na hindi ganun ang tingin nya sa akin, at ang kanyang takot ay para ring takot sa multo – walang basehan.
Di ko alam kung ano pa dapat ang isipin ko, pero sa aming pag uusap, napag tanto ko na kahit sino at kahit saan pa, iisa lang ang iniiisip ng mga lalaki – na ang tulad kong dalagang ina ay hindi karapat dapat sa kanila.
Nadagdagan nanaman tuloy ang mababang tingin ko sa aking sarili. Nakakainis. Minsan gusto kong magalit sa anak ko – kasi naman bakit pa sya dumating. Pero syempre binabawi ko naman agad yun at humihingi ako ng tawad sa Dyos.
Nakakainis lang na isiping pagkatapos kong umasa na siguro di naman lahat ng lalaki mababa ang tingin sa mga tulad ko – eh napatunayan kong hindi totoo yun. Sabagay, kapag binata na ang anak ko, gugustuhin ko ba naman ng manugang na disgrasyada? Syempre hindi! Ayoko nga mag asawa ang anak ko eh. Sana mag pari na lang sya.
Pero sa totoo lang, nakakasawa na rin magpanggap na ok lang ako. di naman talaga ako desperado, pero nakakalungkot lang din na mapag isipan ka na naghahanap ka lang ng mapapangasawa kasi kelangan mo ng tutulong at mag papaaral ng anak mo. Kainis.
Naisip ko tuloy, siguro nga, mas mabuti na talagang tigilan ko na ang pagiilusyon na may darating pa. Alam ko na naman ang reaksyon ng mga tao pag nangyari yun. Nakita ko na ang lahat nang iyon sa aking kapatid na nag asawa ng babaeng may anak na. Tinanggap naman namin sila, pero iba pa rin kapag sabi nila ay “walang bagahe”.
Kaya pala may mga dalagang ina na kahit gano kaganda, gano kayaman, gano kabuti, di na nag aasawa. Kasi lahat ng pinaghirapan nila, hindi rin pahahalagahan, dahil sa kanilang (aming) estado.
Sige, tatanggapin ko na. Tutal, nakarami na ako ng nobyo. Pwede na yun. Haha. Mas masaya namang kasama ang aking anak. At pag makulit sya, pwede kong paluin, takutin at paiyakin. At di nya ko iiwan. Sana.
=====
Hindi ko alam kung gusto ko pa ring kausapin ang aking naging kaibigan na iyon. Sa tinagal tagal na magkakilala kami, sinubukan ko talagang gawing maayos ang pakikitungo sa kanya para maayos naman kahit papano ang imahe ng mga Pilipina sa paningin ng mga taga ibang bansa. Pero sadyang ganun, mahirap nga sigurong baguhin ang nakasanayan na. At sanay na tayong maliitin nila. Nakakalungkot lang.
Lisa! Nag-enjoy ako magbasa ng blog mo sobra…wala pa lang akong mega-major na comment but i just want u to know that I appreciate your blog and thoughts about your single parenthood.
Btw, may mga kaibigan din akong mga single parent, single pa rin, not looking pero successful sa mga careers at personal lives nila.
Nandito lang din ako sa tabi-tabi,
~Gina
thanks gina! Single parenthood is challenging. Mahirap, pero masaya.
kape nga tayo minsan.